-- Advertisements --

Posibleng si Davao City mayor Inday Sara Duterte-Carpio ang siyang magiging presidential candidate ng ruling party PDP-Laban sa 2022 national elections, ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi.

Ayon kay Cusi, presidente ng kanyang paksyon sa PDP-Laban, hindi malabong ang naturang alkalde ang kanilang magiging presidential bet sa halalan sa susunod na taon matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na ang kanyang anak ay tatakbo sa pagka-pangulo at si Sen. Bong Go ang magiging running mate nito.

Pero sa tingin nit Cusi, paraan lamang ito ni Pangulong Duterte na himukin si Mayor Sara na subukan ang pagtakbo sa pagka-pangulo.

Gayunman, sa ngayon, hindi nga rin daw niya alam kung ano nga ba ang mangyayari sa usapin na ito at sinabing magpupulong sila ngayong araw para talakayun ang kanilang presidential options.

Nauna nang sinabi ni Mayor Sara na hindi siya tatakbo sa pagka-presidente kundi bilang alkalde ulit ng lungsod ng Davao.

Tumanggi na rin siyang magbigay ng komento nang mahingian ng kanyang opinyon tungkol sa binanggit ng kanyang ama hinggil sa Sara-Go tandem.

Bukod dito, si Mayor Sara ay hindi rin miyembro ng PDP-Laban kundi ng regional party na Hugpong ng Pagbabago, kung saan siya ang kasalukuyang chairman.