-- Advertisements --

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na maari namang tumakbo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa isang national post sa halalan sa sususnod na taon pero hindi sa ilalim ng kanyang regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).

Bagama’t political party aniya ang HNP, ito ay regional party lamang kaya hindi siya maaring tumakbo sa national level sa ilalim nito maliban na lamang kung siya ay magiging independent candidate.

Kahapon, binawi ni Duterte-Carpio ang kanyang certificate of candidacy (COC) para sa kanyang reelection bid at ipinasa ito sa kanyang kapatid na si Vice Mayor Sebastian Duterte.

Sinabi ni Jimenez na kung itutuloy ni Duterte-Carpio ang kanyang pagtakbo sa national position, kailangan na ang papalitan nito via substitution ay manggagaling sa kaparehong political party kung saan sila ay miyembro.

Kaya mayroon pa aniya hanggang sa Nobyembre 15 rin si Mayor Sara para magpa-miyembro sa ilang national party sakali mang nais nitong tumakbo sa national post o puwede ring siya ay tatakbo bilang independent candidate.

Sa ilalim ng kalendaryo ng Comelec para sa 2022 national at local elections, sa Nobyembre 15 ang deadline ng substitution.

Sa ngayon, wala pa naman aniyang naghahain ng substitution para sa presidential o vice presidential posts.