-- Advertisements --

Hindi tatakbo si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-presidente sa halalan sa susunod na taon kung itutuloy ng kanyang ama, na si Pangulong Rodrigo Duterte, ang pagtakbo naman sa pagka-vice president.

Ayon kay Hugpong ng Pagbabago (HNP) secretary general Anthony del Rosario, sakali mang mangyari ito ay posibleng tatakbo na lang ulit sa pagka-alkalde sa lungsod ng Davao ang mas batang Duterte.

Gayunman, handa naman aniya ang kanilang partido na suportahan ang sinumang mapipili ni Pangulong Duterte para sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Kagabi, sinabi ng punong ehekutibo na tutol pa rin siya sa posibleng pagtakbo ni Sara sa pagka-presidente sa 2022 national elections.

Kung gusto raw talaga ng kanyang anak na tumakbo ay maari naman aniya itong gawin sa mga susunod na panahon.

Samantala, nilinaw naman ng Pangulo na ang sinabi niyang tatakbo siya sa pagka-bise presidente ay paraan lamang niya para takutin ang kanyang mga kalaban sa politika.