BACOLOD CITY – Sumailalim na rin sa self quarantine ang alkalde ng Tayasan, Negros Oriental matapos magpositibo sa coronavirus disease ang isang konsehal ng bayan.
Sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, nasa critical na kondisyon ang 64-anyos na konsehal ng bayan na nagpositibo kahapon sa COVID-19.
Ang Patient 39 ng Department of Health ang may travel history sa Greenhills, San Juan kung saan matatagpuan ang prayer hall na palaging binibisitahan ng isang Pinoy na naunang nagpositibo sa sakit.
Ang pasyente ay nagbyahe sa Manila nitong Pebrero 26 upang dumalo sa convention ng Philippine Councilors League.
Bago ito bumalik sa Tayasan nitong Marso 1, ang pasyente ay pumunta sa Greenhills.
Nitong Marso 3, dumanas ang konsehal ng diarrhea at sinundan ng COVID-19 symptoms kagaya ng ubo at lagnat at dinala sa ospital nitong Marso 7.
Ang konsehal ay itinuturing na immunocompromised dahil isa itong kidney transplantee.
Sa ngayon, sumailalim sa self-quarantine si Tayasan Mayor Susano Ruperto dahil bago nakitaan ng mga sintomas, ang konsehal ay dumalo sa flag ceremony sa Tayasan nitong Marso 2 at dumalo rin sa graduation ceremony ng Tayasan elementary students.
Inutusan din ng alkalde ang mga constituents na nakalapit sa konsehal na mag-home quarantine at ireport kung dumadanas ng sintomas.
Ayon sa Negros Oriental Provincial Health Office, limang housemates ng konsehal ang nilalagnat.
Dahil dito, dadalhin sila sa Negros Oriental Provincial Hospital upang i-isolate.