-- Advertisements --
ISKO MORENO CITY OF MANILA

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga deboto ng Itim na Nazareno na huwag munang makiisa sa selebrasyon ng relihiyosong imahe ngayong taon dahil nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease sa bansa.

Sa Enero 9, araw ng Sabado, gaganapin ang pista ng Itim na Nazareno.

Hinihikayat na lamang ng alkalde ang mga deboto na ipakita ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng paglimita sa kanilang sarili na lumabas upang hindi ma-expose sa virus.

Mas makakabuti raw kung magdadasal na lamang ang mga ito sa loob ng kanilang mga bahay.

Ang mga kalsada ng Villalobos, Carriedo, Hidalgo maging ang bagong gawa na Plaza Miranda ay magiging available sa publiko na hindi makakapasok sa loob ng Quiapo Church dahil sa maximum capacity restrictions.

Mamamahagi rin ng face shields at face masks sa mga deboto na magtutungo sa Quiapo Church.