Galit na galit at napikon si Manila Mayor Isko Moreno matapos madiskubre na ang Bonifacio Shrine o Mehan Garden sa lungsod ng Maynila ay nagmistulang kubeta ng bayan.
Hindi napigilan na magmura ng alkalde dahil sa ginawa umanong salaula ang lugar na siyang monumento ng isa sa bayani ng Pilipinas.
Ang ikinapikon pa ng mayor na ilang metro lamang ang layo nito sa office of the mayor sa city hall ng Maynila.
Liban sa Bonifacio Shrine katabi rin nito ang bantayog ni Gen. Emilio Jacinto at Kartilya ng Bayan na nadiskubre rin ang mga bago at datihang mga dumi ng tao.
Umaalingasaw din ang paligid mula sa mapanghing amoy dahil sa ginawa itong malaking banyo.
Maging ang mayor ay nakaapak pa ng dumi ng tao.
Agad namang iniutos ni Mayor Isko sa Department of Public Safety ng siyudad ang paglilinis, pagpintura at pag-disinfect para ibalik ang ganda nito at maging parke at pasyalan muli ng taongbayan.
Inatasan din ng alkalde ang Manila Police District na bantayan ang lugar at arestuhin ang mga tumatambay sa gabi tulad ng mga solvent boys.
Ilan namang mga istruktura sa lugar o maliit na tindahan ang pinapa-demolish na rin.
Samantala, inirekomenda naman ni Mayor Isko na ipa-relieve na ang hepe ng pulista na nakakasakop sa lugar o sa Lawton area sa lungsod ng Maynila.