Nakatakdang magpulong sa Manila Cathedral ngayong araw sina Manila Mayor Isko Moreno at Bishop Broderick Pabillo upang talakayin ang proposal ng mga Catholic bishops na i-convert ang mga simbahan sa Maynila bilang coronavirus vaccination sites.
Aalamin ng dalawang panig kung anu-anong simbahan ang gagawing vaccination sites ng mga local government units (LGU) para sa COVID-19 vaccine rollout.
Ayon sa alkalde, magandang gamitin ang mga malalaking simbahan sa Maynila, partikular na ang nasa Intramuros dahil mayroon itong open spaces kaya maiiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Sa ngayon ay may nakalatag na 18 vaccination sites ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa COVID-19 vaccine rollout:
District 1: Isabelo Delos Reyes Elementary School, Vicente Lim Elementary School, at Emilio Jacinto Elementary School.
District 2: Obrero Elementary School, Florentino Torres High School, at Plaridel Elementary School.
District 3: P. Guevarra Elementary School, Mabini Elementary School, at Bonifacio Elementary School.
District 4: Alejandro Albert Elementary School, Ramon Magsaysay High School, at Legarda Elementary School.
District 5: Benigno Aquino Elementary School, Rafael Palma Elementary School, at Lucban Elementary School.
District 6: Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology, Zamora Elementary School, at Sta. Ana Elementary School.
Nais ni Moreno na ang mga vaccination sites ay may open spaces at may hanggang limang kwarto para sa pagbabakuna, gayundin ang stable internet connection.