DAVAO CITY – Nirerespeto umano ng lokal na pamahalaan ang desisyon ng Duterte administration na muling buksan ang peace negotiations sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Kasabay ng deklarasyon ng ceasefire at muling pagbubukas ng peace negotiations, maikokonsidera raw ito bilang matibay na political will para maresolba ang problema ng insurhensiya sa ilang bahagi ng bansa sa loob ng nakaraaang mga taon.
Ngunit pinaninindigan ni Davao City Mayor “Inday” Sara Duterte-Carpio na dahil sa maraming insidente kung saan hindi tumutupad ang mga rebelde sa deklarasyon ng tigil putukan bagkus ay patuloy ito sa kanilang ginagawang pang-aatake, hihilingin niya sa national government na hindi isali ang lungsod sa pakikipag-ayos sa New People’s Army (NPA).
Naniniwala si Mayor Inday na maaaring gagamitin lamang ng teroristang grupo ang nasabing oportunidad para pasukin ang mga komunidad na una nang idineklarang insurgency free ng pamahalaan.
Malaking tulong na rin aniya ang inisyatibo ng lungsod na Peace 911 kung saan maraming lugar na sa Davao na dating kuta ng mga rebelde ang nagbalik loob na sa pamahalaan.
Kabilang dito ang Paquibato District at Barangay Dominga sa Calinan District kung saan kadalasan na mangyari noon ang giyera sa pagitan ng mga militar at rebelde.
Dagdag pa ni Mayor Inday na mula Hunyo hanggang Disyembre 2019, matagumpay ang mga ipinatupad na programa ng Davao sa Paquibato District at Barangay Dominga kaya nawalan ng suporta mula sa komunidad ang mga gawain ng mga rebelde.