-- Advertisements --

Tinanggap na umano ni Davao City Mayor Sara Dutere ang apology na hiningi ni Anak Kalusugan party-list Rep. Mike Defensor.

Ito’y matapos na ipakita ni Defensor sa mga mamamahayag ang umano’y text message kung saan hinihimok daw ng presidential daughter ang mga kongresista na huwag sundin ang napiling “manok” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Speakership race.

Sa isang panayam, sinabi ni Defensor na personal siyang nag-text ang alkalde at nagpasalamat daw ito sa kanya sa paghingi niya ng paumanhin.

Sinabihan din daw siya ng anak ng Pangulo na huwag mag-atubiling magtanong sa kanya ng personal kapag may nais itong linawin sa kanya.

Nauna nang ipinakita ni Defensor ang text message mula sa isang neophyte congressman mula Davao pero tumanggi itong pangalanan ang naturang mambabatas.

“Hi sir! I have the go signal of Mayor Inday to publish. ‘Kaya nanawagan siya ngayon sa lahat ng mga Congressmen na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil ang kanya ama ay na set-up lamang ng mga gahaman na gabinete na kaalyado ni Cayetano.’ — Mayor Inday,” bahagi ng text message na natanggap ni Defensor.

Pero ayon kay Duterte-Carpio, hindi siya ang nagpadala ng text message kanino man.