Nag-abiso ang Maynilad Water Services Inc. sa mararanasang 57 oras na water service interruptions dahil sa isasagawang malawakang pagkumpuni ng mga tubo na may tagas sa Makati city simula sa Marso 5 sa oras na alas-3 ng hapon hanggang alas-11:59 ng gabi sa Marso 7.
Kayat pinapayuhan ang mga residente sa mga maapektuhang lugar sa Makati, Pasay, Parañaque at Manila na mag-imbak ng tubig na sasapat sa loob ng tatlong araw.
Base sa abiso ng Maynilad na nasa 2,200 millimiter-diameter steel pipe sa may Osmena highway corner Zobel Roxas, Makati city ang kukumpunihin na aabutin ng 52 oras.
Nilinaw naman ng water concessionaire na hindi pa malinaw kung papalawigin ang service interruption dahil kailangan pang hukayin muna ang site para i-assess ang mga sirang tubo.
Para naman maibsan ang epekto ng isasagawang pagkukumpuni sa mga tumatagas na tubo, maglalagay ang Maynilad ng 7 stationary water tanks at magpapadala ng 30 mobile water tankers sa mga apektadong lugar partikular na sa mga makakaranas ng 57 tuluy-tuloy na interrupted supply ng tubig.