MANILA – Pinag-aaralan na ng Pilipinas ang posibilidad na magbigay ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine para sa una at ikalawang dose.
Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) matapos sabihin ng Food and Drug Administration (FDA) na bumubuo na ng guidelines ang ahensya.
“Pinag-uusapan na natin at pinag-aaralan itong mixing of brands… they’re (vaccine experts) saying there is theoretical basis. Kaya kailangan pag-arala ng mas malawig,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nagsimula na raw magpulong ang kagawaran, Department of Science and Technology (DOST) at Vaccine Expert Panel tungkol sa mga datos ng “mixing doses.”
Sa ngayon kasi, isang bansa pa lang daw ang naglunsad ng pag-aaral sa paggamit ng magkaibang vaccine brand, ang United Kingdom.
“So titingnan natin yung experience ng ibang bansa, kung ano man yung mai-publish nila, based on the results of their study para maisama sa mga pinag-aaralan.”
“Tayo rin ay magkakaroon ng ganitong pag-aaral, para kung sakalin magkaroon tayo ng sagot sa question na ito.”
Nilinaw ni Vergeire na sa ngayon, “single brand” pa rin ang protocol ng Pilipinas sa pagbabakuna.
Ibig sabihin, isang brand ng bakuna lang ang dapat ang gamitin sa isang tao, kapag siya ay tinurukan na ng una at ikalawang dose.
“Kasi wala pang sufficient scientific evidence to state that we can already mix brands.”
Dagdag pa ng opisyal, hindi rin nila irerekomenda ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Sinovac vaccine bilang second dose.
Ito’y kasunod ng anunsyo ng presidente na ibabalik niya sa China ang doses ng Sinopharm COVID-19 vaccines na donasyon ng Beijing, at itinurok sa kanya bilang unang dose.
“Wala pa tayong sufficient evidence so we cannot give recommendation to anybody, hindi sa presidente at kahit na kanino.”