Dapat maghinay-hinay ang pamahalaan sa planong pagpapahintulot sa Chinese companies na i-develop ang tatlong isla sa bansa bilang mga tourism at economic zones.
Sa panayam kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, may strategic importance ang Fuga, Grande at Chiquita Island, dahil sa kanilang lokasyon.
Ang Fuga Island aniya na nasa pinaka-hilaga ng bansa sa Aparri, Cagayan, ay ginamit na pang-depensa noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Ang Chiquita at Grande island naman ay nasa bukana lang ng Subic kung saan pinagpaplanuhan nang i-takeover ng Philippine Navy ang naka-tenggang shipyard ng Hanjin.
Inihayag ni Arevalo na mayroon nang ginagawang pag-aaral ang AFP sa maaring maging implikasyon ng pagpapahintulot sa mga Chinese companies na i-develop ang mga islang ito.
Ayon sa AFP spokesman, isusumite nila ang resulta ng kanilang pag-aaral sa Department of National Defense para iparating sa nakakataas upang mapagdesisyunan ng political leadership.
“There’s no doubt that there’s island features has or have a strategic security impacts sa atin ano kung ito ay mapupunta sa ibang tao, ah meron syang strategic importance naman para sa ating defense ano, subalit ang kailangang maunawaaan natin at maunawaan namin na kami ay AFP ay isa lamang sa mga ahensya na pwede magbigay ng recommendation and assessment hinggil sa kung ano sa tingin namin ang dapat maging o gumamit o makinabang dito sa mga isla na ito,” ani Arevalo.