Inamin ngayon ng Department of Tourism (DoT) na nakatanggap sila ng mas maraming report noon ng umano’y quarantine breach sa mga hotel bago ang insidente sa isang hotel sa Makati na tumakas at nakipag-party ang isang naka-quarantine.
Sinabi ni DoT Sec. Bernadette Romulo-Puyat, hindi raw ito nasilip agad ng mga otoridad dahil hindi naman inilalabas ang pangalan ng mga naka-quarantine sa mga hotel.
Ito ang naging pahayag ni Puyat matapos tanungin kung isolated case lamang ang nangyari sa isang hotel sa Makati o maging eye-opener ito sa kung ang talaga ang nangyayari sa mga quarantine hotels.
Kung maalala, noong Disyembre 23, 2021, isang overseas Filipino mula sa United States ang tumakas sa kanyang hotel quarantine para dumalo sa party at nagtungo pa sa isang restaurants sa Poblacion, Makati.
Noong Disyembre 27 nang nag-positibo ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kinalaunan ay nagpositibo na rin ang mga kasamahan nitong party-goers maging ang mga tumatangkilik at staff ng restaurant na pinuntahan ng babaeng tumakas sa kanyang hotel.
Ito rin daw ang kauna-unahang pagkakataon na isinapubliko ang pangalan ng sinasabing tumakas sa kanyang quarantine hotel.
Dahil dito ay agad na-trace ng mga otoridad ang naturang indibidwal at ang hotel kung saan ito naka-quarantine.
Una rito, humingi na rin ng paumanhin ang Berjaya Makati Hotel kung saan naka-quarantine ang returning overseas Filipino.