Matapos punahin ng karamihan ang P500 daily allowance na kompensayon ng Department of Health (DOH) sa mga volunteer healthcare workers, ipinaliwanag ng ahensya na higit pa sa nasabing halaga ang matatanggap ng mga tinaguriang “warriors” laban sa COVID-19.
Sa virtual presser ng DOH sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na bukod sa daily allowance ay may libreng pagkain at tirahan din ang mga volunteers.
Ipapatupad ng ahensya ang “2 weeks on, 2 weeks off” scheme kung saan may window period para sa self-quarantine ng volunteer healthcare workers.
“Sa bawat dalawang linggong duty ng ating healthcare worker na magvo-volunteer kailangan sumailalim sa two weeks quarantine period pagkatapos nito.”
“Ang mga volunteer healthcare workers ay bibigyan ng pagkain at lugar na matitirhan habang sila ay naglilingkod at sumasailalim sa 14-day quarantine.”
Kahit hindi nagse-serbisyo at nasa quarantine, babayaran pa rin daw ng DOH ang mga volunteer, gayundin na makakatanggap sila ng iba pang insentibo sa ilalim ng ipinasang bagong batas.
“Makakatanggap din sila ng incentives na daily allowance kahit sila ay naka-quarantine. Ang mga benepisyo na nakapaloob sa Bayanihan to Heal as One Act ay matatanggap din ng magigiting na volunteers.”
“Tulad ng mga benepisyong natatanggap ng healthcare workers, may buong package ding naka-allocate naman para sa mga volunteers sa ating COVID-19 hospitals.”
Hiwalay pa sa mga ito ang ibibigay na incentive na special risk allowance at hazard pay.
“Bukod sa daily allowance, kabilang ang mga araw na sila ay naka-quarantine makakatanggap din sila ng COVID-19 special risk allowance bukod pa sa hazard pay na makukuha nila sa ilalim ng Magna Carta for Public Health Workers.”
“Sila ay makakatanggap din ng transport allowance. Sakaling sila ay mahawa sa sakit, sasagutin ng PhilHealth ang lahat ng kanilang gastusing medikal. Sakaling ang kanilang kondisyon ay maging kritikal, sila ay makakatanggap ng P100,000; kapag pumanaw, makakatanggap ang kanilang pamilya ng P1-million compensation.”
Una ng humingi ng paumanhin ang DOH sa sektor ng healthcare workers dahil sa pag-alma ng karamihan na hindi sapat ang halaga para sa buhay na itataya ng frontliners.
Sa ngayon may 690 healthcare professionals na raw ang nag-volunteer para makiisa sa hakbang ng estado kontra COVID-19.