-- Advertisements --

Handa ang gobyerno na tumulong sa mga mawawalan ng trabaho bunsod ng pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 3.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, puwede umanong makinabang ang nasa 40,000 informal workers sa emergency employment o cash-for-work program.

Maliban dito, mayroon din umanong Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Adjustment Measures Program na magbibigay ng one-time P5,000 cash assistance sa mga manggagawa sa formal sector.

Una nang sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na posibleng pumalo sa 200,000 ang mga mawawalan ng trabaho dahil sa Alert Level 3.

Pero ayon sa Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) papalo raw sa 400,000 na mga empleyado ngayon ang apektado dito sa Metro Manila.

Ayon kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, mas doble ito sa pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI) na 200,000.

Paliwanag ni Tanjusay, kada isang formal workers daw kasing maaapektuhan ay mayroong isang informal worker din ang maaapektuhan dito.

Posible umanong lumobo pa ang unemployed at underemployed kapag isasailalim na rin sa Alert Level 3 ang karatig na mga lugar sa Metro Manila.

Bukas ay isasailalim na rin sa Alert Level 3 ang Bulacan, Cavite at Rizal hanggang sa Enero 15.

Una rito, umaasa ang grupo ng mga negosyante na magiging maiksi lamang ang ipapatupad na Alert Level 3 sa Metro Manila para hindi mabawasan ang galaw ng negosyo.

Sinabi ni Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry Incorporated (FFCCII) chairman George Siy na dahil sa pagpapatupad ng mataas na Alert level sa Metro Manila ay tiyak na mababawasan ang mga negosyo.

Malaki rin ang posibilidad na magsara pansamantala ang mga negosyo dahil sa pagbabalik ng mataas na alert level.