Naaapektuhan na rin ng matinding init ng panahon na nararanasan sa buong bansa ngayon ang mga fishpond at seaweed farms sa Zamboanga City.
Sa datos ng Office of the City Agriculturist, halos nasa 190 hectares na ng fishponds na pagmamay-ari ng 85 operators at 30 ektarya naman ng seaweed farms na pagmamay-ari ng 32 farmers ang apektado ngayon ng matinding init ng panahon.
Una na ring sinubukan ng mga fishpond operators na magpalaki ng bangus noong Disyembre 2023 ngunit namatay lamang ang mga ito bago ang scheduled harvesting nito noong Abril 1, 2024 nang dahil pa rin sa sobrang init.
Bukod dito ay nagkakamatayan na rin ang mga alimango na pinapalaki sa ilang fishponds sa lungsod nang dahil pa rin sa kasalukuyang kondisyon ngayon ng panahon.
Mula kasi sa 2,000 mud crabs na pinalaki sa 27-hectares na fishpond sa Barangay Cabaluay, tanging nasa pitong alimango lang ang na-harvest noong Abril 2, 2024.
Gayunpaman ay tiniyak naman ng ahensya na magpapatuloy pa rin sila sa pamamahagi ng fingerlings para tulungan ang mga operators ng fish ponds sa kanilang kabuhayan.
Ayon kay Office of the City Agriculturist Head, Arben Magdugo, bahagi ito ng Php10.5 million na intervention para sa El Niño na naaprubahan na ng lokal na pamahalaan para sa provision of assistance, gayundin sa mga fishpond operators at seaweed farmers.
Sa ngayon aniya ay nagsasagawa na rin ng procurement ang ahensya ng mga bangus fries, seaweed, at planting material para ipamahagi rin sa agricultural sector.