Nilinaw ng Department of Education na ‘not for sale’ ang mga materyales na inilaan ng kagawaran para sa pagdaraos ng Catch-Up Fridays sa mga pampublikong paaralan.
Ito ang binigyang-diin ng ahensya matapos na makatanggap ng mga ulat na may ilang public school personnel umano ang pinipilit ang kanilang mga estudyante na magbayad para sa mga learning materials sa ilalim ng Catch-Up Fridays reading programs.
Sa isang statement, sinabi ng DepEd na nakatanggap ito ng ilang reklamo kaugnay sa pagre-require ng ilang school personnel na bilhin ang mga booklets o workbooks para sa Catch-Up Fridays at iba pang school events.
Dahil dito ay muling iginiit ng ahensya na ang ganitong uri ng mga gawain ay mahigpit na ipinagbabawal sa panuntunan ng kagawaran.
Kasabay ng pagbibigay-punto na ang Catch-Up Fridays at iba pang mga school activities ay hindi dapat nasasangkot sa mga “out-of-pocket costs”.
Samantala, sa ngayon ay nagkasa na ng imbestigasyon ang DepEd ukol dito upang mapanagot ang mga school personnel na mapapatunayang sangkot sa pagbebenta ng learning materials ng DepEd.
Kaugnay nito ay hinikayat naman ng DepEd ang mga magulang at estudyante na huwag tatanggapin ang ganitong uri ng offer at agad itong ipagbigay alam sa Office of the Secretary sa osec@deped.gov.ph. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)