LAOAG CITY – Sugatan ang isang matanda matapos tumama sa kanya ang bala mula sa baril ng isang pulis sa Brgy. 1 San Roque sa bayan ng Vintar.
Ayon kay Police Maj. Arnel Tabaog, ang hepe ng PNP-Vintar, pauwi na ang pulis na nakilalang si Francis Paelma, nakabase sa Regional Civil Security Unit 1 nang pinahinto ng mga nag-iinuman.
Sinabi nito na base sa salaysay ng isa sa mga nag-iinom na si Rodelio Agbayani ay inabot niya ang isang bote ng alak kay Paelma ngunit pinukpok umano ito ng pulis sa kanyang ulo.
Salungat naman ito sa sinabi ng pulis dahil nang inabot ni Agbayani ang bote ng alak ay kinuha niya ngnunit itinapon ang laman nito.
Matapos umano nito ay umuwi na ang pulis ngunit nang nasa bahay na ito ay sumunod naman umano si Agbayani sakay ng kanyang motorsiklo at nagpabalik-balik sa harap ng bahay ni Paelma.
Dahil umano aniya sa galit at pagkairita ng pulis ay lumabas ito dala ang kanyang 9mm na baril.
Sumumod naman ang asawa nito at pinigilan ang pulis sa kung anong gawin nito ngunit dito na umano pumutok ang kanyang baril.
Dagdag nito na ang naging biktima ay ang matandang nakatayo sa gilid ng kalsada na nakilala naman na si Ricarte Paelma at nagtamo ng sugat sa kanang kamay nito.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa pangyayari.