-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ibinahagi ng matalik na kaibigan ni dating Manila Archbishop at ngayo’y Cardinal Luis Antonio Tagle na noon pa man ay nakitaan na nila ito ng espesyal na katangian na maging Santo Papa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo Fr. Robert Amalay, Executive Director ng Jaro Archdiocesan Pastoral Secretariat, sinabi nito na noong 2019, sinabihan na nito si Cardinal Tagle na malaki ang posibilidad na mamumuno siya sa pinakamalaking relihiyong Kristiyano sa buong mundo.

Sa eksaktong taon rin anya, mas napalapit ang Cardinal kay Pope Francis matapos itong ma-appoint bilang Prefect ng Vatican’s Congregation for the Evangelization of People.

Ayon kay Amalay, sakaling mahalal bilang susunod na Santo Papa, si Cardinal Tagle ang kauna-unahang Pilipinong na magiging lider ng Simbahang Katolika sa buong mundo.

Maliban kay Tagle, kabilang rin sa pinagpipilian ang Hungarian Cardinal na si Péter Erdő, na siya namang arsobispo ng Estergom-Budapest.