Hindi na raw maghihintay nang matagal na panahon ang mga retiradong pulis para makuha ang kanilang pension.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., agad na kasing maibibigay ang pension ng mga magreretirong pulis maging ang kanilang mga benepisyo.
Sa mensahe ng PNP Chief na binasa ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Jose Chiquito M. Malayo, sa pagdiriwang ng ika-12 anibersaryo ng PNP Retirement and Benefits Administration Service (PRBS), ngayong araw.
Binati ng PNP Chief, ang PRBS sa pamumuno ni Police Brigadier General Niño David Rabaya, sa kanilang mga ipinatupad na reporma upang maging mas madali sa mga pulis na makuha ang kanilang mga benepisyo.
Kaya angkop na angkop aniya ang slogan ng PRBS na “goodbye tension, hello pension”.
Nagsimula ang PRBS bilang Benefit and Pension Administration Division (BPAD) sa ilalim ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Ginawa itong hiwalay na National Administrative Support Unit, para magsilbing one-stop shop sa pagpoproseso ng pensyon at benepisyo ng mga pulis, na inaprubahan ng National Police Commission noong Agosto 5, 2010.