CAUAYAN CITY- Nagpaliwanag ang pamunuan ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 sa mga member consumer may kaugnayan sa mataas na singil sa kuryente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eng’r. Charles Olinares, Officer-in-charge ng ISELCO 2, sinabi niya na nang itaas ang singil ay resulta ng mahal na presyo ng coal na siyang ginagamit sa paggawa ng kuryente.
Aniya ang mataas na presyo sa singil sa konsumo ng kuryente ay nararamdaman na ng lahat ng mga electric cooperatives sa bansa na resulta ng patuloy na pagmahal ng presyo ng uling at patuloy na pagbulusok ng piso kontra dolyar.
Muli naman niyang iginiit na ang mga ipinapatupad na generation o sur- charges ay alinsunod sa batas gayunman ay sisikapin ng kanilang pamunuan na gumawa ng hakbang upang mapababa ang sinisingil sa generation charges.
Panawagan niya ngayon sa mga member consumer na magtipid dahil sa tumataas na konsumo at singil sa kuryente.