Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) tungkol sa posibleng malakihang pagbaba ng produksyon ng bigas sa bansa, na maaaring umabot sa 20 hanggang 50 porsiyento kung hindi agad kikilos ang gobyerno.
Ayon sa DA, sanhi umano nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba dahil sa digmaan sa Gitnang Silangan, na nagdudulot ng mas mataas na gastusin sa produksyon at may bantang makaapekto sa pagtatanim sa darating na buwan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform noong Miyerkules, sinabi ni Agriculture Undersecretary Asis Perez na nanganganib ang mga tanim na itatanim sa Mayo at Hunyo dahil sa kakulangan sa abot-kayang inputs, at binigyang-diin ang agarang pangangailangan ng suporta sa mga magsasaka.
Sa pagtataya ng DA, posibleng mawalan ng 2 milyong metric tons ng bigas, o 20% ng produksyon, habang sa pinakamasamang senaryo, maaaring umabot ito sa 50% na pagbaba, na seryosong banta sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Hinikayat naman ni Sen. Francis Pangilinan ang gobyerno at pribadong sektor na maghanda sa posibleng “food shock” dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nakakaapekto sa agrikultura at pangingisda.
Binanggit niya na ang pagsasara ng Strait of Hormuz ay nakakaapekto sa suplay at presyo ng pataba dahil 30% ng urea at 40% ng ammonia ay isa sa pangunahing sangkap ng pataba na dumadaan sa naturang strait.
Ayon kay Pangilinan, ang tanging paraan upang malampasan ang krisis ay ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor. Inirekomenda rin niya ang pagsali ng pribadong sektor sa Crisis Committee for Food Security na binubuo nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, at ilang kinatawan ng kongreso.
Binanggit din ni Pangilinan na ang inilaang P10 billion tulong-pinansyal ay hindi sapat, dahil makikinabang lamang ang 4 milyong magsasaka at 400,000 mangingisda, samantalang apektado parin nito ang higit 10 milyong magsasaka at 2.5 milyong mangingisda.
Samantala, sinabi ng DA chief na umaasa siyang mailalabas ang kautusang nagtatakda ng P50 kada kilo na price cap sa imported rice bago matapos ang buwan.
















