Lubhang naalarma ang Commission on Human Rights (CHR) sa mataas na bilang ng nasasawing persons deprived of liberty (PDLs) o inmates sa mga piitan sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon sa CHR, base sa 2021 data ng BuCor napag-alaman na nasa 1,166 mula sa kabuuang 48,501 inmates ang namatay sa loob ng correctional facilities. Ito na aniya ang pinakamataas na bilang sa loob ng 32 taon.
Posibleng tumaas pa aniya ang trend na ito dahil nasa 700 PDLs ang nasawi sa kustodiya ng BuCor noon lamang buwan ng Setyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon pa sa CHR na nasa average na tatlo hanggang apat na inmates ang nasaswi kada araw.
Ilan sa mga dahilan ng pagkasawi ng mga PDLs ayon sa data ng BuCor ay ang katandaan at pagkakaroon ng karamdaman.
Ayon naman kay BuCor Officer-in-Charge Gregorio Pio Catapang Jr., kanilang nirereview ang mga datos para matukoy kung covid-19 related ang pagkasawi ng mga bilanggo.
Ipinunto din ng CHR na ang overcrowding ng mga piitan, poor hygiene at ventilation isues ay lubhang mapanganib para sa kaligtasan ng mga PDLs at staff lalo pa ngayong may banta sa kalusugan dulot ng global covid-19 pandemic.
Kaugnay nito nanawagan ang CHR na i-expedite ang decongestion efforts at gawaran ng clemency ang mga kwalipikadong PDLs partikular na ang mga matatanda na at may sakit.
Nagpaalala din ang CHR sa pamahalaan sa obligasyon nito na tratuhin ang lahat ng mga bilanggo nang may respeto at pahalagahan bilang tao.