-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Matagumpay na naisagawa ang inaabangang Street and Arena Dance Competition sa MassKara Festival sa Lungsod ng Bacolod sa kabila ng pagbuhos ng ulan kaninang hapon.

Nasa 14 na barangay ang nagpasiklaban sa huling araw ng MassKara Ruby Festival kasabay ng Street and Arena Dance Competition Barangay Category kung saan buhos ang mga bisita at turista.

Kagabi, idineklarang kampeon ang Estefania Elementary School sa elementary level.

First runner-up naman ang Education Training Center School 3, second runner-up ang R.A. Medel Sr. Elementary School, at third runner-up naman ang Jose Gonzaga Elementary School.

Samantala, kampeon ang M.G. Medalla Integrated School sa secondary level.

Iginawad ang first runner-up sa Luisa Medel National High School, second runner-up ang Angela Gonzaga National High School, at third runner-up ang Domingo Lacson National High School.

Maliban sa trophy, inuwi ng kampeon ang P150,000; habang P100,000 ang nakuha ng first runner-up; P75,000 ang second runner-up; at P50,000 ang third runner-up bilang cash prize.

Bumisita rin sa lungsod ang ilang ambassador at mga foreign dignitaries upang saksihan ang world-class festival.