Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) na imbestigahan ang umano’y iregularidad sa nangyaring retrenchment sa halos 500 regular employees ng Dole Philippines Inc. (Dolefil).

Ang Dolefil ang isa sa pinakamalaking producer at exporter ng fresh at canned pineapples sa bansa.

Nananawagan si Hontiveros sa DOLE na kaagad aksyunan ang naturang isyu. Aniya, ngayong panahon ng pandemya, hindi raw dapat talikuran ang mga nawalan ng hanapbuhay lalo na at may nakita silang iregularidad sa kanilang retrenchment.

Sa isang sulat para kay Labvor Secretary Silvestre Bello III, inihayag ng senador ang kaniyang nalaman na hindi nakaranas ng anomang substantial at imminent losses ang nasabing kumpanya.

Ito umano ang nakasaad sa Annual Audited Financial Statements ng kympanya.

Ang nangyaring mass retrenchment, ani Hontiveros, ay nagpakita lang daw na mas naging prayoridad ng kumpanya na tanggalin ang kanilang mga regular na empleyado kaysa sa mga contractual lamang.

Dagdag pa nito na nakaka-alarma dahil sa kabila ng pagreregular ng nasa 5,000 empleyado ng Dolefil noong 2018 bilang suporta sa kampanya ng gobyerno na tuldukan ang endo sa bansa, ay nagpatuloy pa rin silang maghire ng contractual workers.

Kinuwestyon din ng Senador ang paghahain ng nasabing kumpanya ng kanilang notice of retrenchment noong September 18, 2020, tatlong araw makaraang sibakin ang daan-daan nilang empleyado noong September 15, 2020.

Nais din ni Hontiveros na siyasatin ng DOLE ang iba pang kumpanya na posibleng lumalabag din sa batas at tiyakin na naaalagaan ng mabuti ang kapakanan ng bawat manggagawa sa bansa.