LEGAZPI CITY – Tuloy-tuloy ang dating ng ayuda sa mga biktima ng nangyaring malakas na pagyanig sa Masbate, magdadalawang-linggo matapos ang pagtama nito.
Sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of the Civil Defense (OCD) Bicol, pumalo na sa P3,369,898 ang cost of assistance na naipamahagi sa mga apektadong lugar sa island province.
Nasa kalahating milyong piso naman ang naipamudmod sa 500 pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kung saan nakatanggap ang mga ito ng tig-P5,000.
Bukod pa rito ang P500,000 na food packs, laminated sacks at tents na inihatid ng DSWD.
Bilang karagdagang tulong pa sa pagbangon ng mga mamamayan, nagpadala naman ang OCD ng shelter repair kits upang simulan ang pagtatayo ng mga bahay at mula naman sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang daan-daang hygiene kits.
Nilalayon nitong maipabatid sa mga residente ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili habang humaharap sa epekto ng natural na kalamidad at banta ng COVID-19.
Samantala, hindi pa tapos ang pag-abot sa ilan pang pamilya na humihiling rin ng tulong matapos na maigupo ng malakas na lindol ang kanilang mga tirahan.