-- Advertisements --

Nagpaliwanag si Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire tungkol sa record-breaking na kaso ng COVID-19 cases na naitala sa Pilipinas kahapon, Hulyo 3.

Sa inilabas kasi na datos ng DOH kahapon ay nadagdagan pa ng 1,531 katao ang dinapuan ng COVID-19 sa bansa dahilan upang pumalo na sa 40,336 ang kabuuang bilang ng coronavirus cases.

Ayon sa kalihim dahil daw ito sa pagbabago nila ng oras upang mag-extract ng data mula sa iba’t ibang ospital. Mula raw kasi 5:00 ng hapon ay ginawa nila ito hanggang 12:00 ng tanghali ng lamang.

Ito umano ang magsisilbing paliwanag kung bakit noong july 2 ay may 294 cases lamang na naitala ang DOH, dahil dito ang mga datos na hindi nasama sa nasabing araw ay idinagdag lamang kahapon.

“Mayroon ho kaming binuo, bagong means of reporting kung saan hindi na ho natin ipapakita ang late at fresh cases. Ang ipapakita na lang natin ay ’yung additional na mga kaso na pumapasok,” saad ni Vergeire.

Hindi raw makakaila ni Vergeire na may mga lugar sa bansa na talagang tumataas ang kaso subalit hindi raw ibig sabihin nito ay itinatago nila ang tunay na datos.

Bunsod na rin sa mas lumalalang takot ng mga Pilipino ay napagdesisyunan umano ng DOH na tanging additional cases na lamang ang kanilang ilalabas simula sa susunod na linggo para na rin maiwasan ang kalituhan.

Sinabi rin ni Vergeire na nagbigay na ang ahensya ng letter of intent to join sa World Health Organization solidarity trial for vaccine at kasalukuyan na raw itong pino-proseso.

Nagkaroon na rin daw ito ng initial discussion sa apat na manufacturing firms ng bakuna upang makasali ang Pilipinas sa ginagawang clinical trial ng mga possible COVID-19 vaccine mula sa iba’t ibang bansa.