Lumakas pa ang bagyong Kiyapo sa Severe Tropical Storm habang papalabas ng Babuyan Islands, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na weather bulletin nitong Biyernes ng alas-8 ng gabi, sinabi ng PAGASA na nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa Batanes, natitirang bahagi ng Babuyan Islands, hilagang bahagi ng mainland Cagayan, hilagang bahagi ng Apayao, at hilagang bahagi ng Ilocos Norte dahil sa inaasahang malalakas na hangin.
Samantala, nakataas naman ang TCWS No. 1 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, natitirang bahagi ng Apayao at Ilocos Norte, gayundin sa Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union, at hilaga at gitnang bahagi ng Aurora.
Bandang alas-7 ng gabi, huling namataan ang sentro ng Severe Tropical Storm Kiyapo sa katubigan ng Calayan Island. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 130 kilometro kada oras, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, inaasahang tuluyan nang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Biyernes ng gabi hanggang madaling-araw ng Sabado.
Bagama’t palabas na ng bansa, inaasahang lalo pang lalakas ang bagyo habang kumikilos sa West Philippine Sea dahil.
Posible rin itong maging isang typhoon bago mag-landfall sa katimugang bahagi ng mainland China.
Inaasahan namang unti-unting hihina ang bagyo kapag tuluyan na itong nasa kalupaan ng China.















