Ipagkakaloob ng Australia ang halos ₱1.2 bilyong bagong maritime assistance sa Pilipinas upang mapalakas ang seguridad sa karagatan sa gitna ng tensyon sa pinagtatalunang karagatan.
Inanunsyo ito ni Australian Foreign Minister Penny Wong sa kaniyang pagbisita sa Maynila.
Kabilang sa maritime assistance ang makabagong drones para sa Philippine Coast Guard (PCG) gaya ng underwater drones, counter-drone systems, at heavy-lift UAVs. Kasama rin dito ang pagsasanay sa mga operator ng drone na nasa P427 million o A$10 million.
Nasa ₱770 Milyon (A$18 Million) ang bagong pamumuhunan sa loob ng apat na taon para sa civil maritime assistance. Doble ito sa mga nakaraang tulong para sa bansa. Layunin nito na mapabuti ang pagbabantay sa malawak na karagatan ng Pilipinas.
Samantala, binatikos din ng Australian Foreign Minister ang kamakailang pagsasagawa ng nuclear-capable submarine-launched missile test ng China mula sa disputed waters, na lumipad sa himpapawid ng Pilipinas at bumagsak malapit sa mga bansa sa Pacific, bilang “provocative at destabilising.”
Ang pagbisita naman ni Wong sa bansa ay kasabay ng ASEAN chairship ng Pilipinas at kasabay ng pag-marka ng ika-80 taong diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Australia.
















