Hiniling ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Department of Public Works and Highways(DPWH) na ikonsidera ang mungkahing amiyendahan ang mga kasalukuyang regulasyon at patakaran ng kagawaran hinggil sa right-of-way na nakapaloob sa Department Order (D.O) 73 series of 2014.
Sa liham ng NTC kay DPWH Secretary Mark Villar, nakasaad dito ang pangangailangan para amiyendahan ang D.O 73 na sanhi umano nang pagkaantala sa pagtatayo ng mga telco ng kanilang mga pasilidad sa buong bansa tulad ng critical backbone at last mile connectivity.
Tugon na rin anila ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa telecommunication companies na paspasan ang pagpapaunlad ng kanilang serbisyo bago matapos ang kasalukuyang taon lalo na’t tumaas ang internet usage sa bansa simula noong kumalat ang COVID-19 pandemic.
Nakasaad kasi sa DPWH D.O. 73 na pinagbabawalan ang paglalagay ng poste para sa cable ng telepono at mobile service providers sa kahabaan ng national roads.
“D.O. 73 required phone, mobile, and cable service providers and their contractors to acquire their own right-of-way and directed DPWH Regional and District Engineers to remove all those declared prohibited uses of the right-of-way. Right-of-way includes areas of the national road such as sidewalks, gutters and canals,” saad ng NTC.
Sa pamamagitan naman ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noong isagawa ang First Philippine Telecoms Summit noong 2017, nagkasundo ang Department of Information and Communications Technology (DICT), DPWH at NTC na kailangang amiyendahan o baguhin ang nasabing kautusan para wala nang maging hadlang sa expansion ng telecommunication services at facilities sa bansa at epektibo itong maipatupad ang ICT infrastructure.
Isinagawa ang Technical working group (TWG) meetings, na pinangunahan ng DPWH matapos lagdaan ang MOA.
Ang TWG ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa DICT, NTC, telcos, cable operators, maging ng well DPWH officials, staff, district engineers at technical specialists.
Ang amiyenda sa DPWH D.O. 73 ay isa rin sa mahalagang konsiderasyon ng bagong tatag na Telecommunications Monitoring Group para sa pagpapaunlad ng telecommunications services, isang multi-agency body na binubuo ng DICT, Department of Interior and Local Government, Presidential Anti-Crime Commission, Presidential Commission on Good Government, Anti-Red Tape Authority at ng Office of the Special Assistant to the President.