Mas mura na ang presyo ng National Food Authority (NFA) rice sa mga accredited retailers.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ibibenta na lamang ang NFA rice sa mga accredited retailers sa halagang P23 kada kilo, o mas mura ng P2 kumpara sa dating P25 kada kilo.
Pero sinabi ni DA Sec. William Dar na maari pa rin namang ibenta ng mga retailers na ito ang naturang bigas sa halagang P27 kada kilo pero hindi na dapat pang lumagpas pa.
Iginiit ni Dar na mas maraming kikitain ang mga retailers sa pagbibenta ng NFA rice sa mas murang halaga.
Makakatulong din ayon sa kalihim ang ganitong hakbang sa mabilis na paggalaw ng stock ng NFA ng kanilang bigas.
“Ang council ay nag-decide to reduce this price level to retailers from 25 to 23 para mas magaan, mas mabilis ‘yong paglabas ng mga imported rice stocks ng NFA and para may 4 pesos na margin sila at mas mabilis ‘yong pagbenta ng NFA rice,” paliwanag ni Dar.