-- Advertisements --
image 212

Hiniling ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa Civil Service Commission na taasan ang pasahod para sa mga psychologist at psychiatrist na nagtatrabaho sa pamahalaan.

Katwiran ng kalihim, kinakailangan ng mga nakapagtapos ng naturang kurso na magkaroon ng master’s degree kapag pinili nilang pumasok sa pamahalaan.

Sa kabila nito ay Salary Grade 11 lamang ang offer para sa kanila.

Inihalimbawa ng kalihim ang pasahod para sa mga narse na nakakapasok sa pamahalaan na agad tumatanggap ng SG-15 na sahod. Ang mga narse aniya ay hindi naman hinihingan ng master’s degree.

Apela ng kalihim sa Civil Service Commission, panahon na para baguhin ang pagtrato sa mga psychologist at i-lebel ang kanilang sahod sa SG-15.

Pagdidiin ni Sec. Herbosa, mahihirapang ma-enganyo ang mga psychologist na magsilbi bilang guidance councelor sa pamahalaan kung napakababa ang pasahod na inaalok sa kanila.

Ayon kay Sec. Herbosa, mahalaga ang tungkulin ng mga ito para matugunan ang mga problema ukol sa kalusugang pangkaisipan ng mga Pilipino.