Nangangamba sa kanilang kalusugan ang mga kawani ng House of Representatives kaya umaapela na sila sa Department of Health (DoH) na pansamantalang isara ang tanggapan habang nagsasagawa ng paglilinis at contact tracing matapos na rin magkaroon ng 98 confirmed cases ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula noong Nobyembre 10.

Ayon sa isang kawani na tumangging magpabanggit ng pangalan, kamakalawa lamang kinumpirma ni House Secretary General Dong Mendoza na mayroong 98 confirmed cases, ibig sabihin nito, mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 30 ay walang ginagawang contact tracing kaya malaki ang tiyansang nagkaroon pa ng hawahan.

Nobyembre 4 nag-resume ang sesyon ng Kamara matapos ang kanilang break at sa loob ng mahigit dalawang Linggo naitala ang 98 confirmed cases.

Giit ng mga kawani, hindi malayong mangyari na nakuha ang virus sa Kamara dahil nauna dito ay mayroong 40 reported cases sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na sinasabing nakuha nila ang virus sa kanilang workplace.

Anila, taliwas ito sa paliwanag ni Mendoza na sa labas ng komunidad at hindi sa loob ng Kamara nakuha ng mga empleyado ang virus.

“We are appealing to House Speaker Velasco, hindi biro ang 93 cases mula March hanggang October at 98 cases pa sa buwan lang ng Nobyembre, baka kailangan munang isara at magkaroon ng disinfection, hinihingi din namin ang transparency ng House Leadership, bakit ngayon lang kayo nagrerepeport ang laki na ng cases,” paliwanag pa nito.

Aminado ang mga empleyado na kapansin-pansin ang pag-relax ng Kamara sa covid monitoring kaya biglang lobo ang kaso.

Ang apela ng mga empleyado na isara ang Batasan Complex sa harap na rin ng pagmamatigas ni Mendoza na walang outbreak ng nakamamatay na sakit kaya hindi ikinokonsidera ang pagpapasara rito.

Binatikos ng mga kawani ang late reporting ng Kamara sa mga confirmed cases sa CESU, anila, hindi sana nagdudulot ngayon ng takot kung regular ang reporting at nagkakaroon ng regular na contact tracing.

“Sa loob ng isang buwan walang comprehensive report na sinusubmit ang Kamara sa CESU, yung mga nagpositive na asymptomatic baka gumaling na at nakapanghawa na ng iba,kung ganito na kalaki ang problema ay sana aminin na ng House Leadership para magkaroon na ng intervention ang DOH, huwag nilang pagtakpan ang mga naging lapses, bago pa may mamatay na naman,” panawagan pa ng mga empleyado.

Nasa lima na raw ang naitatalang nasawi sa covid sa Kamara at tatlo ay mga empleyado habang dalawa ang mambabatas.

Ang Kamara ay mayroong 8,000 employees kasama ang mga contractual at guards subalit sa nasabing bilang ay 2,000 lamang ang naisasailalim sa testing.

Samantala, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na isang mobile testing unit ang ididispatch ng lungsod sa Batasan Complex.

Kailangan na magkaroon na ng agarang contact tracing upang maisolate ang mga posibleng carrier para na rin maprotektahan ang komunidad.

Sa ipinalabas na report ng CESU, sa 98 empleyado ng Kamara na nagpositibo sa covid tatlo sa naging close contact nito ang tinamaan na din ng vius, sa 98 cases ay 59 ang residente ng Quezon City habang ang 39 ay sa ibang lugar nakatira.

Muli namang iginit ni CESU Diretor Rolly Cruz ang kahalagahan ng 24 hour reporting na itinatakda ng DoH sa ganitong paraan umano ay makokontrol ang pagkalat ng virus.

Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act malinaw na itinatakda sa Rule VI.

“Whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern ” nakasaad sa Rule VI at kabilang dito ang mga sakit gaya ng covid na maitatala sa mga workplace o pinagtatrabahuhan.

Ang hindi tatalima dito ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong ng isang buwan, subalit kung ang offender ay isang public or private institution gaya ng Kamara, ang chief o ang lider nito o si Speaker Velasco ang siyang magiging liable at ang maaaring ipataw na parusa ay pagsibak sa tungkulin.