Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na isasama nila sa kanilang proposed 2022 budget ang request ng Department of Education na taasan ang bayad sa mga guro na magsisilbi sa halalan sa susunod na taon, ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones.
Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni Briones na “sympathetic” naman ang Comelec patungkol sa pagtaas sa compensation ng mga guro na magtatrabaho sa araw ng halalan.
Nauna nang iminungkahi ng DepEd na taasan ng P3,000 ang bayad sa mga guro na magsisilbi bilang poll watchers.
Kung mangyari ito, P9,000 ang compensation na ibibigay para sa electoral board chairpersons, P8,000 para sa mga members, P7,000 para sa mga supervisor officials at P5,000 naman para sa support staff.
Umapela rin ang kagawaran ng P500 na COVID-19 hazard pay para sa kada araw, P1,000 food allowance at P2,000 na transportation allowance.
Sa kabilang banda, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Comelec hinggil sa posibilidad na magpatupad ng dalawang shifts sa mga guro na magsisilbi sa halalan sa susunod na taon.
Ito ay kasunod na rin ng pahayag ng Coemlec na posible nilang palawigin ang voting hours para sa 2022 elections para maiwasan ang pagdagsa ng maraming tao sa polling precintcs.