Mas maraming tao ang magugutom kung hihintayin pa na magsimula ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan bago luwagan ang quarantine restrictions sa Metro manila patungong modified general community quarantine (MGCQ).
Sinabi ito ni Trade Sec. Ramon Lopez matapos na ianunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque na posibleng isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa MGCQ ang buong bansa ang Marso 1.
Kung dumating man kasi aniya ngayong Pebrero ang unang batch ng bakuna base sa tantya ni vaccine czar Carlito Galvez, ang bulk o karamihan sa mga bakunang ito ay sa second o third quarter pa makakarating sa Pilipinas.
Naniniwala si Lopez na sa pamamagitan nang pagluwag sa quarantine restrictions, maraming mga pamilyang Pilipino ang matutulungan, kabilang na ang 1.6 million mamamayan na hindi pa nakakabalik sa kanilang trabaho.
Ang sitwasyon ngayon ay hindi na aniya sa pagitan lamang ng kalusugan at ekonomiya, kundi ito ay sa pagitan na ng kalusugan at iba pang health issues na dulot ng kagutuman at malnutrition.