Inaasahan ng Department of Energy (DOE) ang pagpasok ng mas marami pang mamumuhunan sa bansa, sa larangan ng enerhiya.
Ito ay kasabay ng paglalabas ng naturang ahensiya ng updated na pag-aaral sa competitive renewable energy zones (CREZ) sa Pilipinas.
Ayon kay DOE assistant secretary Mylene Capongcol bahagi ng listahan ng mga naturang zone ay mga bagong sector, katulad ng solar, offshore wind energy, at wave energy.
Sinabi ng opisyal na una na itong humingi ng tulong mula sa United States Agency for International Development (USAID), kasama na ang posibleng pagpopondo para sa mga naturang programa.
Sa pag-aaral ng ahensiya, malaki umano ang potensyal ng renewable energy sa Pilipinas.
Batay sa isang pag-aaral na isinagawa nito noong 2020, ang Mindanao ay may potensyal na makapag-ambag ng 408,293 megawatts (MW).
Ang Luzon naman ay may potensyal na makapagbigay ng hanggang 360,244 MW, habang ang Visayas ay nasa 39,333 MW.