-- Advertisements --

Naniniwala si Korean Chamber of Commerce-Philippines (KCCP) President Hyun Chong Un na mas maraming Koreanong mag-aaral ang mahihikayat na mag-aral sa Pilipinas sakaling matuloy ang plano ng Pilipinas na liberalisasyon sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng Charter change (Cha-cha).

Sinabi ito ng opisyal sa kaniyang pagdalo bilang resource person sa ikalimang araw ng mga pagdinig ng House Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses No. 7.

Inihayag ni Hyun sa komite na malugod ang pagtanggap ng kanilang chamber ang planong liberalisasyon sa edukasyon sa PH na isa sa mga isinusulong na pagbabago sa RBH No.7.

Aniya ang nilalayon na magkaroon ng presensiya ng mas marami pang foreign schools sa bansa ay tiyak umano na magreresulta sa pagdagsa ng mga koreanong estudyante at iba pang mga dayuhan.

Mas magiging competitive pa aniya ang edukasyon sa bansa at magbebenipisyo dito ang bansa.

Ayon pa kay Hyun, nasa 50,000 Korean nationals ang kasalukuyang naka-enrol sa mga local school sa bansa kung saan karamihan sa mga ito ay interesadong matuto ng English.

Isa nga sa itinutulak na economic amendments sa ilalim ng Konstitusyon ay gawing 100% na mula sa kasalukuyang 40% ang foreign ownership sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas.