-- Advertisements --

Sinegundahan ng tatlong senador ang naging apela sa gobyerno ng isang grupo ng mga guro na bigyan sila ng mas marami pang benepisyo kasabay na rin nang paharap ng mga ito sa bagong yugto ng kanilang pagtuturo.

Hindi lamang daw ang mga estudyante at mga magulang ang nahihirapan sa “new normal” ng pag-aaral ngayong taon ngunit pati na rin ang magigiting na mga guro ng pampublikong eskwelahan.

Inaasahang mahigit 24 milyong estudyante ang makikiisa sa distance at blended learning sytems ng Department of Education (DepEd) bunsod pa rin ng coronavirus pandemic.

Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na ang pagbibigay ng magandang benepisyo para sa mga guro ay pagpapakita na rin ng pagpapahalaga sa kanilang serbisyo sa panahon ng health crisis.

Kailangan aniyang tiyakin na buo ang suporta ng gobyerno sa “new normal” ng education sector.

Una nang sinabi ng senador na dapat taasan ang P3,500 na taunang chalk allowance ng mga public school teachers dahil magagamit na rin nila ito upang makakuha ng internet services.

Dapat din umanong dagdagan ng pamahalaan ng halos P40 million ang P67 billion na budget request ng DepEd na gagamitin naman sa pag-print ng learning modules.

Hinikayat din ni Basic Education Committee chairperson Sen. Sherwin Gatchalian ang education officials na gamitin ang P4-billion na alokasyon para sa DepEd sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act para makabili ng laptops at iba pang gadgets na ipapamahagi sa mga publick school teachers.

Marami raw kasi sa mga ito ang walang gadgets o euqipments para sa pagbubukas ng klase ngayong araw at kailangan pa nilang gumawa ng assessment reports.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Sen. Leila De lima sa serbisyo ng mga guro. Ayon dito suportado niya ang ginagawang hakbang ng DepEd para maghanap pa ng karagdagang guro na tutulong sa full implementation ng blended learning modality ngayong taon.