Nais ng House prosecution na mailahad nang buo ni NBI Director Melvin Matibag ang resulta ng imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya sa pagharap nito sa Senate impeachment court sa Hulyo 21.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, layunin nilang maipaliwanag ni Matibag ang kabuuang imbestigasyon ng NBI, kabilang ang iba pang tanggapan na lumahok sa pagsisiyasat at kung may umiiral pang banta laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya.
Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na nag-utos umano siya na ipapatay ang Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Matapos ang imbestigasyon, inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kasong grave threats at inciting to sedition.
Inaasahang si Matibag ang huling testigo ng prosekusyon kaugnay ng reklamong impeachment bago ito tumungo sa pagtalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Duterte.
















