Kinukuwestiyon ng ilang senador-judge ang desisyon ng Senate impeachment court na payagan na i-subpoena ang financial records ni Vice President Sara Duterte.
Nauna nang inaprubahan ng impeachment court ang hiling ng House prosecution panel na makakuha ng bank records, financial documents, at Anti-Money Laundering Council (AMLAC) record na may kaugnayan kay VP Sara, kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ilang negosyong iniuugnay sa kanila.
Mahalaga aniya ito upang suportahan ang alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman na nakapaloob sa Article II ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Dahil dito kinuwestiyon ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano si House prosecutor Chel Diokno kung maaari bang gamitin sa paglilitis ang mga transaksiyong naganap bago pa man maging Ikalawang Pangulo si VP Sara.
Sa naging desisyon daw kasi ng Supreme Court sa kasong Duterte v. House of Representatives, dapat may kaugnayan sa kasalukuyang termino at posisyon ng opisyal ang isang impeachable act.
Pero ayon kay Diokno, hindi ipinagbabawal Korte Suprema ang paggamit ng ebidensyang naganap bago pa maging impeachable officer ang isang opisyal, lalo na kung may kaugnayan ito sa usapin ng integridad at yaman ng isang opisyal.
Ayon kay Diokno, ang naturang desisyon ng Korte ay ang usapin sa constitutional one-year ban sa paghahain ng impeachment complaint matapos magsampa ng magkakasunod na reklamo laban kay VP Duterte.
Aniya, hindi umano kuwestyonable ang paraan ng impeachment proceedings na kasalukuyang ginagawa ng Senado.
Gayunpaman, giniit ni Cayetano na hindi maaaring basta balewalain ang mga prinsipyong inilatag ng Korte Suprema, lalo na kung desisyon ito ng korte.
Pero ayon sa prosecution, mahalaga ang mga record upang malaman kung may sapat na ebidensya sa mga alegasyon ng betrayal of public trust laban kay Sara Duterte.
















