-- Advertisements --

Nangako ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mas marami pang bank accounts ng mga drug syndicates sa bansa ang ipapa-freeze nito.

Kasabay na rin ito ng pagpapa-igting pa ng ahensya sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Ayon kay PDEA chief Wilkins Villanueva, pinupuntahan nila ngayon kung saan ang balon na pinaglalagyan ng pera ng mga sindikato.

Hindi lamang aniya ang mga users at pushers ang binibigyan ng proper intervention ngunit pati na rin ang may-ari mismo ng pera.

Paliwanag pa ni Villanueva na ang kanilang operasyon sa pag-freeze ng bank accounts ng mga sindikato ay mas pinaigting pa alinsunod na rin sa memorandum of agreement ng ahensya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) noong 2019.

Ang naturang kasunduan ay para siguruhin ang koordinasyon ng PDEA sa AMLC upang hanapin at imbestigahan ang money laundering activities at iba pang paglabag sa AMLC ng mga drug traffickers.