Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mas magiging marahas ang militar sa mga indibidwal na nanguna sa pagsagawa ng rebelyon partikular ang Maute terror group na nagpahayag ng suporta sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).
Sa press briefing, binigyang-diin ni AFP spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na magiging malupit ang militar sa mga terorista pero walang dapat ipangamba at ikatakot ang mga law abiding citizen sa deklarasyon ng Martial Law.
Giit ni Padilla, ang buod sa implementasyon ng Batas Militar ay ang interes ng publiko kung saan kabilang sa rules of censure ay ang social media at magkakaroon ito ng specific guidelines.
Aniya, importante ang identity ng mga tao sa areas of conflict at kapag walang ID ay magiging inconvenience ito.
Maingat din ang militar sa kanilang surgical operations upang maiwasan ang collateral damage at madamay ang mga inosenteng sibilyan.
Tiniyak din ng militar sa mga kababayan natin sa Marawi City na hindi binobomba ng militar ang buong siyudad kundi isa itong surgical airstrikes.
Batay sa report ng militar, nasa 31 terrorista ang patay habang 11 firearms ang narekober.
Ibinunyag din ng militar na sa nakuha nilang impormasyon, nakapasok ng bansa ang mga foreign terrorists sa pamamagitan ng porous borders kung kaya pinalakas pa ang pagbabantay sa mga borders ng bansa lalo na sa Mindanao.