Mas malaking pondo ang kakailanganin para sa pagpapatuloy ng voters registration at sa muling pagdesinyo ng template ng mga balota na gagamitin ngayong may bagong batas na nagpapaliban ng December 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sinabi din ni Commission on Elections (Comelec) chairman Atty. George Garcia na kakailanganin ng poll body na itigil ang pag-imprinta ng mga balota ng isang linggo para mag-reflect ang bagong petsa ng halalan sa huling Lunes ng Oktubre sa taong 2023 sa halip na December 5.
Sa ngayon kasi nasa kabuuang 5.6 million na ang naimprinta bago pa ipagpaliban ang BSKE ngayong taon.
Nakatakda namang maglabas ang Comelec ng isang resolusyon na ang naimprintang mga balota na may December 2022 na petsa ay maaari pa ring magamit para sa manual elections sa susunod na taon.
Isa pa sa nakikita ng Comelec na epekto ng pagpapaliban ng halalan ang inaasahang pagdagsa ng bilang ng mga nagpaparehistrong mga botante.
Ayon kay Garcia, kanilang ipagpapatuloy ang voter registration sa Nobyembre ng kasalukuyang taon hanggang sa May 2023.
Samantala, ang paghahain naman ng certificates of candidacy sa October 23 hanggang 29, 2022 ay hindi na muna matutuloy dahil sa pagpapaliban sa halalan gayundin ang Comelec gun ban at campaign period.
Hindi naman sang-ayon ang Comelec chairman sa pag-realign ng pondo ng Comelec na gagamitin sana sa BSKE dahil base sa nilagdaang batas ng pangulo ay ipagpapatuloy pa rin ang appropriation.
Ipinunto din ng Comelec official na hindi ito magandang balita para sa mga nais na kumandidato sa BSKE dahil may mga hopefuls aniya na tutuntong na sa edad na 25-anyos sa susunod na taon at hindi na maaaring tumakbo para sa SK elections dahil paliwanag ni Garcia dapat eksaktong 24-anyos ang edad sa mismong araw ng halalan para maging kwalipikado sa SK elections.