-- Advertisements --
FB IMG 1564203809404

Posibleng masundan pa umano ng mas malakas na lindol ang naramdamang lindol sa Itbayat, Batanes kasunod ng pagyanig kaninang madaling araw at umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Philvocs Director Renato Solidum, ang sumunod daw kasing lindol kaninang umaga ay mas malakas kaysa sa naunang pagyanig dakong alas-4:16 ng madaling araw kaya naman malaki ang posibilidad na magkaroon o masundan pa ito ng mas malakas na pagyanig.

Ang unang pagyanig na 5.4 magnitude ngunit ibinaba sa magnitude 5 ay mas mahina sa ikalawang pagyanig dakong alas-7:38 kaninang umaga na may lakas na 6.4 pero ibinaba rin sa 5.9 magnitude.

Dagdag ni Solidum kapag niyanig ng mas mababang magnitude na lindol ang mahahabang fault line ay asahang masusundan ito ng mas malakas na lindol.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa walo ang kumpirmadong patay at umaabot sa 60 ang sugatan sa magkasundo na lindol na tumama sa Batanes.

Ang bilang ng walong nasawi ay kinumpirma ni NDRRMC executive director Ricardo Jalad.