Inihayag ng Bureau of Immigartion na ang paghihigpit sa visa requirements para sa Chinese tourists ay makakatulong para maprotektahan ang national security ng Pilipinas, kaugnay na rin ng mga naitatalang ilegal na aktibidad na kinasasangkotan ng Chinese Nationals.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, palaging mahigpit ang ahensya sa pagsusuri sa mga dumadating na dayuhang indibidwal, lalo na ang mga sangkot sa iligal na gawain.
Ilang Tsino na raw ang nasa likod ng mga organisadong krimen tulad ng human trafficking, prostitusyon, kidnapping, at fraud. May ilan din sa mag ito na ilegal na nagtatrabaho para sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Kaya naman, ito ang nagtulak sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mas pataasin ang mga kinakailangang requirements para sa visa ng mga turistang Tsino kasabay ng mataas na bilang ng mga pekeng aplikasyon na natanggap sa kanilang embahada at konsulado sa Tsina.
Gayunpaman, itinanggi ng DFA na ang patuloy na tensyon sa China sa mga isyu sa West Philippine Sea ang dahilan para sa mas mahigpit na visa measures para sa mga bisitang Chinese.
Nauna nang iniulat na noong nakaraang taon, sinabi ni Sandoval na nasa 3,300 dayuhan ang hindi pinahintulutan na pumasok sa bansa dahil hindi kapanipaniwala ang purposes of travel ng mga ito.