Nakahanda na ngayon ang mas mahigpit na seguridad dito sa Philippine Military Academy, sa Fort del Pilar, Baguio City.
Ito nga ay para pa rin sa idaraos na Philippine Military Academy Alumni Homecoming ngayong araw na inaasahang dadaluhan ng malalaking tao partikular na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Philippine Military Academy spokesperson, Captain Charito Dulay, bahagi ng mas mahigpit na seguridad ngayon ay ang pagsasailalim sa antigen test ng lahat ng mga dadalo at papasok dito sa area bilang pag-iingat pa rin sa banta na hatid ng Covid-19.
Aniya, pangungunahan ng presidential security group ang pagpapatupad ng tight security dito sa buong lugar.
Ito rin kasi aniya ang isa sa pinakamalaking event ngayon dito sa Baguio City pagkatapos ng pandemyang dulot ng Covid-19 kung kaya’t inaasahan ding makakarating ang lahat ng mga cavaliers ng Philippine Military Academy.
Samantala, sa pagdalo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa malaking aktibidad na ito ay inaasahan at inaabangan din ang kaniyang magiging talumpati ngayon.
Bukod sa punong ehekutibo, kabilang din sa mga dadalo sa malaking pagtitipon na ito ay ang chairman ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc. (PMAAAI) na si Ambassador Vidal Querol mula sa PMA class ’73, Baguio City Mayor Benjamin Magalong mula sa PMA class ’82, National Security Eduardo Año ng class ’83, Defense Secretary Carlito Galvez Jr. mula sa class ’85, Philippine National Police Chief, PGEN. Rodolfo Azurin Jr. mula sa class ’89, at marami pang iba.