KALIBO, Aklan — Mas mabigat na penalidad ang balak ipatong ng Malay Transportation Office (MTO) para sa mga isnaberong drivers at operators ng e-trike sa Isla ng Boracay.
Maliban sa suspensyon, ikinokonsidera rin ang pagbawi ng prangkisa sa mga drivers at operators na namimili ng pasahero lalo na kapag tatlong beses na itong nahuli.
Ayon kay Ryan Tubi ng MTO na binibigyan nila ng citation ticket ang mga lumalabag sa Municipal Traffic Code upang maturuan ng leksyon ang mga pasaway na driver na nakakasira umano sa imahe ng isla.
Nabatid na nasa 28 reklamo ang natanggap at agad na tinugunan ng MTO laban sa mga e-trike drivers na karamihan ay mga residente ng Boracay.
Kasunod ng pagbuhos ng mga bakasyunista, mas pinipili umano ng mga drivers ang mga turista na mahal magbayad ng pamasahe kaysa mga residente at mga manggagawa.
Payo pa ng MTO sa mga pasahero na agad na isumbong sa kanilang tanggapan ang mga abusadong drivers na hindi nagbibigay ng maayos na serbisyo at convenience sa mga pasahero upang agad na maaksyunan.
Ilan sa mga natanggap na reklamo ay pagtangging maghatid sa kanilang destinasyon, kaskasero, gumagawa ng trip cutting, overcharging, maling parking, loading at unloading at iba pa.