-- Advertisements --

Asahan na raw ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa National Capital Region (NCR) kapag bumalik na ang face-to-face classes.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando “Don” Artes, asahan na raw ito lalo sa pre-pandemic levels sa susunod na buwan.

Aniya, bago raw ang halalan noong Mayo 9 ay nagsagawa ang mga ito ng volume count at lumalabas na ang average count sa 400,000 na mas mababa na lang ng kaunti ng 5,000 noong pre-pandemic period.

Pero paliwanag ni Artes na ang datos ay nakuha noong wala pang face-to-face classes kaya posibleng lumagpas pa raw sa 405,000 ang volume kapag mayroon nang in-person classes.

Ipinunto rin ni Artes na mas marami nang mga sasakyan ang nasa kalsada matapos magluwag na ang pamahalaan sa mga alert level.

Dahil dito, para maibsan daw ang problema sa traffic ay mayroong pinaplantsa ang MMDA na bagong number coding scheme.

Makikipag-ugnayan na rin da sila kay Civil Service Commission chief Karlo Nograles sa panukalan nilang papasukin ang mga government employees sa trabaho dakong alas-7:00 ng umaga.

Umaasa rin ang opisyal na pagagandahin ng bagong administrasyon ang mass transport system sa bansa.