Tiniyak ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na magreresulta sa mas matatag at kapani-paniwalang demokratikong transisyon ang pag-usog sa kauna-unahang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang Republic Act No. 12317, na naglilipat sa unang BARMM parliamentary elections patungong Setyembre 2026.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, ang pagpapalawig sa transition period ay magbibigay ng sapat na panahon upang lalo pang mapatibay ng mga institusyon sa rehiyon ang kanilang pamamahala at makapaghanda nang husto para sa botohan.
Upang maiwasan ang pagkagambala ng mga programa ng pamahalaan, ipinaliwanag ng Speaker na pananatilihin sa pwesto ang Bangsamoro Transition Authority hanggang sa makaupo ang mga bagong halal na opisyal.
Ang naturang batas ay pinagsamang Senate Bill No. 1823 at House Bill No. 8220 na inaprubahan ng dalawang kapulungan noong Marso 17, 2026.
Nakasaad din dito na ang mga susunod na halalan sa BARMM ay isasabay na sa national and local elections simula sa Mayo 2031 upang mas maging episyente ang sistema.
Pinagpasalamat naman ni Dy ang mabilis na aksyon ng Pangulo at ng Kongreso sa nasabing hakbang na mahalaga umano para sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
















