Todo ngayon ang panawagan ng grupo ng mga healthcare professionals sa pamahalaan na magkaroon ng agaran at maayos na pagbabago sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) response matapos ngang isailalim na ang National Capital Region (NCR) Plus sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) o mas maluwag na quarantine protocols mula sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon sa Healthcare Professionals Alliance against COVID-19 (HPAAC), hanggang sa ngayon daw kasi ay wala pang malinaw na plano ang pamahalaan para resolbahin ang puno’t dulo ng naturang problema na dulot ng covid pandemic.
Naging diskarte raw ng gobyerno ang pagpapalawig sa mahigpit na lockdown pero wala namang malinaw na plano para bumaba ang community transmission ng nakamamatay na virus.
Dahil dito, ipinanukala ng health group na magkaroon ng incident management team na mangunguna sa pangangasiwa sa mga pagamutan lalo na’t patuloy ang pagbuhos ng mga pasyente sa mga ospital sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
Ang incident management team ay puwede naman daw makipag-ugnayan sa Department of Health (DoH) at local government units (LGU’s).
Maliban dito, ipinanukala rin ng grupo sa mga mambabatas na bumuo ng measure para sa data sharing sa pamamagitan ng Information and Communications Technology (ICT) infrastracture dahil na rin sa inconsistencies sa digital contact tracing na nakakaapekto sa quarantine ng mga contacts.
Dagdag ng grupo kailangan din umanong ipatupad ng pamahalaan ang Apat Dapat sa lahat ng government agencies, public transport, private workplaces, business establishments at iba pang public spaces.
Ang Apat Dapat ay ang air circulation, ventilation, physical distancing, paggamit ng face masks at face shield at ang paglimita sa oras ng interaction ng 30 minuto o mas maiksi pa.